Tinig Mula sa Ibaba at sa Labas: Kritik ng Globalisasyon Tungo sa Pagbuo ng Alternatibong Adyendang Sosyo-Ekonomiko Para sa Bansang Pilipinas
- David Michael M. San Juan
(Voices from Below and Beyond: A Critique of Capitalist Globalization Towards the Formation of An Alternative Socio-economic Agenda for the Philippines)
Key words: Globalisasyon (Globalization), Ekonomiks (Economics), Usaping Pandaigdig (International Affairs), Kapitalismo (Capitalism), Kaunlaran (Development)
ABSTRAK
Mahigit sansiglo pagkatapos maihayag ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite, nananatiling dukha ang mayorya ng mga mamamayang Pilipino. Sa mga nakaraang taon ay patuloy na dumausdos ang ranggo ng bansa sa Human Development Index (HDI) ng United Nations. Mahigit sansiglo na rin mula nang maging sunud-sunuran ang Pilipinas sa mga kanluraning hulwaran ng kaunlaran (development models) gaya ng kapitalistang globalisasyon. Sunud-sunod na administrasyon sa kontemporaryong kasaysayan ang naging masugid na tagapagpatupad ng mga patakarang sosyo-ekonomikong ipinapataw ng International Monetary Fund (IMF), World Bank at World Trade Organization (WTO). Samakatwid, malinaw na ang matinding paghihikahos ng sambayanang Pilipino ay direktang resulta ng aplikasyon ng kapitalistang globalisasyon sa bansa. Sa ganitong diwa, layunin ng papel na ito na bumuo ng panimulang kritik sa kapitalistang globalisasyon sa Pilipinas bilang batayan ng pagbuo ng isang alternatibong adyendang sosyo-ekonomiko. Bibigyang-pansin sa papel na ito ang mga “tinig mula sa ibaba at labas,” ang tinig ng mga anak-dalita at ng mga kilusang panlipunang iniluwal ng deka-dekadang pakikibaka para sa mas makatarungang lipunan, ang mga tinig na karaniwang etse-pwera sa nakalipas na sansiglo ng pagbubuo (o baka mas akmang sabihing “panggagagad”) ng mga hungkag na programang sosyo-ekonomiko sa mga pangunahing tagapagsulong ng kapitalistang globalisasyon.
ABSTRACT
One hundred years after Philippine independence was declared at Kawit, Cavite, a great majority of Filipino citizens remain poor. In the past years, the country’s rank in the United Nations’ Human Development Index (HDI) steadily declined. One hundred years have passed too since the Philippines became subservient to western development models such as capitalist globalization. Successive administrations in contemporary history became ardent implementors of socio-economic policies imposed by the International Monetary Fund (IMF), the World Bank and the World Trade Organization (WTO). Thus, it is clear that the miserable poverty of the Filipino people is the direct result of applying capitalist country in the country. Within this context, this paper aims to produce a preliminary critique of capitalist globalization in the Philippines as a basis in formulating an alternative socio-economic agenda. This paper focuses on the “voices from below and beyond,” voices of the poor and the social movements precipitated by decades of struggles for a more just world, voices that are usually marginalized and sidelined in the past century of creating (or perhaps it’s more apt to use the term “copying”) empty socio-economic programs from the main adherents of capitalist globalization.
~~~
Isandaa’t labindalawang (112) taon mula nang lumaya ang Islas Filipinas sa kolonyalismong Espanyol at mahigit isandaang (100) araw mula nang pasinayaan ang pamumuno ng ika-15 pangulo ng bansa, inihayag ng United Nations sa taunang ulat na tinaguriang Human Development Index (HDI) na nasa ranggong ika-97 ang Republika ng Pilipinas sa talaan ng 169 na bansa sa buong daigdig. Sa simpleng pagpapahayag, mahigit kalahati ng daigdig ang nakalalamang sa Pilipinas sa aspekto ng edukasyon, kalusugan at kita. Nasa ika-77 puwesto ang bansa noong 2000 at ika-66 naman noong 1990. Pinatutunayan ng samu’t saring estadistika ang ganitong dumadausdos na kalagayan ng Pilipinas.
Matinding Kahirapan sa Panahon ng Globalisasyon
Ayon kay Senador Edgardo Angara, 70% ng mga Pilipino (o 70 milyong mamamayan) ang nabubuhay nang mas mababa pa sa 42 piso o 1 dolyar bawat araw – ang halagang itinakda ng United Nations na diumano’y kailangan ng isang tao upang mabuhay nang disente (Torregoza, 2010). Kung tutuusin, lubhang mababa at malayo na sa reyalidad ang sukatan ng United Nations (isaalang-alang halimbawa, na ang isang karaniwang student meal sa University Belt ng Metro Manila ay nagkakahalaga ng 30 – 80 piso) kaya posibleng mas malaki na ang aktwal na bilang ng mga Pilipinong dukha kaysa sa mga isinasaad ng opisyal na estadistika. Tumutugma ang pahayag ni Senador Angara sa 69% ng mga Pilipino na nagsasabing sila’y “mahirap” batay sa isang survey na isinagawa ng Ibon Foundation noong Abril 2010. Sa isang pag-aaral naman ng Food and Nutrition Research Institute/FNRI (isang ahensya ng gobyerno) noong 2008, mayroong 4,000,0000 batang Pilipino ang malnourished. Kahirapan ang pangunahing dahilan ng malnutrisyon sa Pilipinas (Alexandra 2009). Sa pagtataya naman ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahirap (KADAMAY), may 30,000,000 Pilipino ang maituturing na maralitang tagalunsod o urban poor (2008). Malaking porsyento sa kanila ang walang sariling bahay at lupa, at wala ring trabaho. Batay naman sa datos ng National Statistics Office/NSO (2010), halos 3,000,000 Pilipino ang walang trabaho at mahigit 7,000,000 naman ang kulang sa trabaho o underemployed. Hindi kataka-takang sa kawalan ng sapat na oportunidad na makapaghanapbuhay sa sariling bansa, halos 3,000 Pilipino ang umaalis sa lupang tinubuan araw-araw para magtrabaho sa ibang bansa ayon sa Philippine Overseas Employment Administration/POEA (2006). Sa tantya ng POEA, maaaring umabot ang bilang na ito sa 4,000 kada araw kung isasama ang mga Pilipinong hindi dokumentado ang pag-alis para magtrabaho sa ibang bansa. Ayon sa iba’t ibang pagtataya, ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ay mula mahigit 8,000,000 (Congressional Planning and Budget Department-Philippine House of Representatives, 2006) hanggang 10,000,000 (Cruz, 2010).
Bato, Noodles, Prostitusyon at Surrogate Ulam: Kakaibang Sukatan ng Kahirapan
Higit na kagimbal-gimbal ang datos sa mga di karaniwang sukatan ng kahirapan. Iniulat ng Agence France Presse (2008) na 3,000 sa 50,000 residente ng Baseco (isang komunidad ng mga maralita sa Maynila) ang nagbenta ng isang bato nila sa mga dayuhan. Batay sa isang report ng Philippine Daily Inquirer (2010), pati mga menor de edad ay napipilitan nang magbenta ng kanilang bato. Marami ring Pilipino ang nagbebenta ng dugo, ngipin at iba pang bahagi ng katawan dahil sa matinding kahirapan. Walang kagatul-gatol na inamin ng isang 60-taong donor ang dahilan ng pagbebenta ng kanyang dugo sa ulat ni Etolle (2008): “Ang pagbebenta ng dugo ko ang tanging moral na trabahong alam ko, kaysa naman magnakaw.” Ayon naman kina Yrasuegui at Esselborn (2008), bagamat ilegal ang prostitusyon sa bansa ay may “800,000 prostitute ang nakatira at nagtatrabaho sa Pilipinas. Kalahati sa kanila ang menor de edad.”
Tinalakay naman noong Abril 29, 2010 sa ispesyal na edisyon ng Sine Totoo (programang dokumentaryo) ng GMA 7 ang matinding kagutuman na dinaranas ng maraming Pilipino, sa isang episode na pinamagatang “Philippine Agenda: Gutom.” Sa nasabing episode ay aktwal na inilahad ang karanasan ng mga pamilyang Pilipino na kumakain ng tira-tirang pagkain mula sa basura (tinatawag na “pagpag” o “kaning-baboy”) o kaya’y mga isdang nakalalason na nahuhuli sa maruming katubigan ng Manila Bay. Inihayag ni Florencio (2003) sa isang pananaliksik na maraming Pilipino na rin ang kumakain ng kanin na tinambalan ng “surrogate ulam” gaya ng toyo, kape, mantika ng baboy, asin, pulang asukal, bagoong at iba pa. Ang lumang euphemism sa pagdaralita – “pagdidildil ng asin” – ay literal na nagaganap at malaganap na. Tila pinagpala pa nga ang mga nakakakain ng kanin at “surrogate ulam” dahil ayon sa Global Call to Action Against Poverty/GCAP-Philippines (2008), “Para sa maraming mahihirap na pamilya, ang instant noodles na naglalawa sa sabaw ay kumpletong pagkain na.” Katunayan, ang pagbebenta ng murang noodles ay bahagi na ng isa sa mga programang kontra-kahirapan ng pamahalaan na tinaguriang “Tindahan Natin.” Sa ilalim ng nasabing programa ay tinitiyak ng gobyerno ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng at access sa murang noodles at bigas para sa mga maralita. Kaugnay nito, ayon sa Flour Fortification Initiative (2010), isang internasyunal na network ng mga kumpanya, NGOs at mga akademista na naglalayong isulong ang paglalagay ng bitamina/nutrient sa harina, tumaas ng 11% bawat taon ang pagkonsumo ng noodles ng mga Pilipino sa nakaraang 10 taon.
Pagdaralita sa Ika-21 Siglo: Resulta ng Isandaang Taon ng Kabiguan ng Kapitalistang Globalisasyon
Kung pagtatagni-tagniin ang mga kalat-kalat na estadistikang ito, mahihinuhang habang mabilis na umuunlad ang ibang bansa sa iba’t ibang aspekto (sa antas makro-ekonomiko man lamang, sapagkat ibang usapan pa kung nakarating o nag-trickle down ba sa mga ordinaryong mamamayan ang tahas na progresong makro-ekonomiko nila), nananatiling mabagal kundi man hindi umuusad ang pag-unlad ng Pilipinas sa kabila ng lubos na pagyakap ng bansa sa sistemang kapitalista at mga preskripsyon ng huwad na globalisasyon. Sa isang panayam sa Manila Times (2010), inamin ng Puno ng United Nations Information Center sa Maynila na si Therese Debuque na tila natatalo ang bansa sa digmaan kontra kahirapan: “Mula 1990, ang antas ng matinding kahirapan [sa Pilipinas] ay tumindi sa halip na maibsan.” Inihayag din ni Debuque na hindi maganda ang performance ng Pilipinas sa pagkamit ng tinatawag na millennium development goals – ang mga pangunahing layuning itinakda ng 192 bansang kasapi ng United Nations at mahigit 20 organisasyong internasyunal upang masugpo ang matinding kahirapan sa buong daigdig, noong taong 2000 (Bauzon 2010).
Melodramatikong naibuod ng ekonomistang si Alejandro Lichauco – na nagtapos sa prestihiyosong Harvard University – ang kalunos-lunos na kalagayan ng sambayanang Pilipino mula noon hanggang ngayon sa ilalim ng kapitalistang globalisasyon, sa aklat na “Towards A New Economic Order and The Conquest of Mass Poverty” (1986): “Ito’y isang lipunan kung saan ang mga kabataan ay walang inaasahang magandang bukas; kung saan tinitiis ng mga magulang ang paghihikahos ng kanilang mga anak, at binabagabag sila ng pag-iisip sa madilim na kinabukasan ng kanilang mga anak; kung saan ang mga malalakas ang katawan ay napipilitang iwan ang kanilang pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa; kung saan ang mga matatanda at ang mga may-kapansanan ay mag-isang namumuhay nang walang tulong; isang lipunan kung saan ang mga siyentista, guro, alagad ng sining, lingkod-bayan, mga propesyunal at mga sundalo ay walang trabaho kundi man kulang ang sweldo...kung saan ang isinilang nang dukha ay namumuhay sa karukhaan at namamatay ring dukha.”
Sa mga nakaraang dekada ay tuluy-tuloy na pinairal ng sunud-sunod na administrasyon ang sistema ng kapitalismong nakakiling sa pribadong sektor, sa konteksto ng huwad na globalisasyon – kapitalistang “globalisasyon” na pumapabor lamang sa ekonomya ng mauunlad at industriyalisadong bansa at ilang indibidwal na kasosyo nila sa mga bansang Third World. Samakatwid, makatwiran lamang na ibaling ang kritisismo sa kawalan ng kaunlaran sa kahungkagan ng kapitalistang globalisasyon bilang isang programang sosyo-ekonomiko. Tinalakay ni Madeley (2003: 6-8) sa panimula ng aklat na “A People’s World” ang pagiging huwad ng pangakong pagkakapantay-pantay at kaunlaran sa ilalim ng globalisasyon. Sa halip na pagkakapantay-pantay, isang dambuhalang pagkakahati ng daigdig ang iniluwal ng globalisasyon ayon kay Madeley: ang daigdig ng mga globalizer na binubuo ng mga makapangyarihang korporasyong transnasyunal kasama ang pamahalaan ng mga mauunlad na bansa na karamiha’y nasa Kanluran laban sa daigdig ng mga bansang globalized, ang mga bansang dukha na karamiha’y dating kolonya ng mga bansa sa Kanluran. Sa ganitong konteksto ipinahayag ni Khor (1995) na sa pananaw ng mga mamamayan ng Third World, ang “globalisasyon” ay walang iba kundi ang tinatawag na o pagpapatuloy ng “kolonisasyon” sa mga nakaraang siglo. Kung ituturing na propesiya ang ikapitong kabanata ng “El Filibusterismo” ni Jose Rizal ay maaaring tawaging bagong “tanikalang diyamante,” ang kapitalistang globalisasyong ipinapataw sa bansa. “Tanikala” sapagkat patuloy nitong inilulubog sa karukhaan at pagkaalipin ang sambayanan, at “diyamante” sapagkat may mapanlinlang na kislap ang mga huwad na pangako nitong binalot ng mataginting na retorika gaya ng “malayang kalakalan,” “daigdig na walang hanggahan (boundaries),” “kapatiran ng sangkatauhan” atbp.
Apatnapung Bilyunaryo sa Daigdig ng Mga Dukha
Malinaw na nabigo ang kapitalistang globalisasyon na magdulot ng tunay na kaunlaran sa mga mamamayan ng bansa. Mismong ang dating pangulo ng Estados Unidos na si Bill Clinton (2010) ang nagsabing “malubha ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa daigdig kaya hindi lubos na maitaguyod ang paglago ng ekonomya na makapag-aahon sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas sa kahirapan, makapagbibigay sa lahat ng magandang edukasyon, at makapagbibigay sa lahat ng oportunidad na makakuha ng trabaho o makapagsimula ng magandang negosyo.” Ang daigdig kung saan walang pagkakapantay-pantay na tinutukoy ni Clinton ay walang iba kundi ang sistema ng kapitalismo at huwad na globalisasyon na nagpapayaman sa dati nang mayaman at walang ganap na kaunlarang idinudulot sa naghihikahos na sambayanan.
Sa kabila ng matinding karukhaan ng maraming Pilipino, kagulat-gulat na may apatnapung bilyunaryo rin sa Pilipinas. Ayon sa isang ispesyal na ulat ng Forbes Magazine Asia (2010), “(a)ng pinakamayayaman sa Pilipinas ay may kabuuang yaman na nagkakahalaga ng $22.8 bilyon, isang kapuri-puring 39% na antas ng pagtaas mula sa $16.4 bilyon ng nakaraang taon,” sa kabila ng pandaigdigang krisis-pinansyal na hindi pa ganap na nalulutas. Akmang-akma ang ganitong estadistika sa paglalarawan ni Papa Benito XVI (2009) sa kalagayan ng daigdig sa kanyang kauna-unahang encyclical letter na pinamagatang Caritates in Veritate (Pag-ibig sa Katotohanan): “Ang yaman ng daigdig ay palaki nang palaki, ngunit ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ay pataas nang pataas...Sa mga mahihirap na lugar, may ilang pangkat na nagtatamasa ng superdevelopment... na hindi katanggap-tanggap kapag itinapat sa mga umiiral na sitwasyon ng kalunus-lunos na paghihikahos ng ibang mamamayan. Nagpapatuloy ang pag-iral ng eskandalosong kawalan ng pagkakapantay-pantay.”
Krisis ng Kapitalistang Globalisasyon sa Daigdig
Wala nang mas matibay pang argumento sa pag-abandona sa kapitalismo at “globalisasyon” kundi ang mismong pandaigdigang krisis-pinansyal na nagsimula at patuloy pa ring nananalasa sa numero-unong bansang kapitalista, ang Estados Unidos. Mahusay na naipaliwanag ni Michael Moore sa dokumentaryong “Capitalism: A Love Story” (2009) ang kahungkagan ng kapitalismo sa ekonomya. Inilahad ni Moore kung paano nalugi ang mga dambuhalang pribadong bangko sa Amerika dahil sa kanilang pagiging ganid sa tubo, at kung paano sila nakapagmaniobra upang makakuha ng bilyun-bilyong dolyar na pondong pansalba sa pagkalugi (bail-out funds) na mula sa buwis ng mga mamamayang biniktima ng kanilang pagiging gahaman sa salapi. Kung talagang episyente ang kapitalismo, bakit kakailanganin pa ng mga kapitalistang korporasyon ang tulong ng gobyerno sa panahong dumanas ito ng pagkalugi? Hindi ba’t “sinolo,” “kinopo” o sinarili ng mga kapitalistang korporasyon ang tubo sa panahong maganda ang negosyo? Bakit sa panahon ng pagkalugi’y nais nilang magpasalba sa pamahalaan at taumbayan? Malinaw kung gayon na hungkag at bangkarote na ang padrong kapitalista kung episyente at pangkalahatang kaunlaran ang layunin sapagkat ni hindi nga nito kayang iligtas ang kanyang sarili! Walang ipinag-iba sa payat at naghihingalong linta ang kapitalismo na di kayang mabuhay sa kanyang sarili – isang parasitikong organismong nakaasa sa kanyang kulang-palad na biktima. Hindi kataka-takang inihayag na ng ilang akademista ang pagpasok ng daigdig sa panahong post-kapitalismo at post-globalisayon.
Mismong ang mga paring Amerikano ay namulat na sa kapalpakan ng kapitalismo gaya ng ipinakikita sa ilang eksena sa dokumentaryong “Capitalism: A Love Story” (“Kapitalismo: Isang Kuwento ng Pag-ibig”). Sa tanong na “Kasalanan ba ang kapitalismo?” narito ang sagot ni Padre Dick Preston ng Michigan: “Para sa akin at para sa marami sa atin, ang kapitalismo sa ngayon ay masama (evil). Ito’y labag sa lahat ng mabuti (good). Ito’y kontra sa kapakanan ng nakararami (common good). Ito’y kontra sa pagmamalasakit. Ito’y kontra sa lahat ng mga pangunahing relihiyon. Kapitalismo ang bagay na tinutukoy sa mga banal na kasulatan, partikular sa ating mga banal na kasulatan, na di makatarungan. At sa Kanyang sariling paraan, bababa ang Diyos at wawasakin ito. Mali ang kapitalismo at dapat itong buwagin.” Higit pang matalas ang depinisyon ni Padre Peter Dougherty sa kapitalismo: “Ito’y imoral. Ito’y obscene. Ito’y nakagagalit (outrageous)! Ito’y talagang matinding kasamaan. Ito’y matinding kasamaan.” Binigyang-laman naman ng isang obispo ang dahilan ng gayong mariing pagpuna ng Simbahan sa kapitalismo: “Tila hindi nakapag-aambag ang sistema sa kapakanan ng lahat ng tao at ito ang dahilan kung bakit sa kanyang mismong kalikasan (nature) ay taliwas ito sa tinuro ni Hesus na nagsabing ‘Pagpalain ang mga dukha, sa aba ng mga mayaman.’ Mula ‘yan sa ebanghelyo mismo ni San Lukas.”
Ang kapalpakan ng kapitalismo ay awtomatikong nangangahulugan ng kapalpakan ng “globalisasyon” sapagkat kapitalista ang sistemang ipinatutupad ng mga internasyunal na ahensyang promotor ng “globalisasyon” gaya ng World Trade Organization, International Monetary Fund at World Bank. Ayon kay Padre Pedro Salgado, isang Dominikanong eksperto sa ekonomiks (1997: 384-385): “gaya ng International Monetary Fund, binibigyang-diin ng World Bank ang pagyakap ng mga bansang nangungutang sa patakarang malayang kalakalan...Sa pamamagitan ng malayang kalakalan, ang mga mahihirap na bansa’y nabibitag sa kumunoy ng kanilang karukhaan...ang malayang kalakalan ay nangangahulugang kayamanan para sa mga mayayamang bansa, mas matinding kahirapan para sa mga mahihina...Sa ilalim ng patakaran ng WTO (World Trade Organization) maaaring tambakan ng halos lahat ng produkto ng mga mayayamang bansang industriyal ang mga pamilihan sa Third World, sa gitna ng bukas at walang habas na malayang kalakalan. Gaya ng kitang-kita sa lahat ng kumpetisyon, ang malakas ang nangingibabaw.” Hungkag kung gayon ang ipinamamaraling “malayang kalakalan” ng “globalisasyon” at kapitalismo: “malaya” ang mga bansang may malakas na ekonomya na pagsamantalahan ang mga bansang mahihina” at “global” ang saklaw ng kalakalan ngunit hindi global ang pakinabang. Maihahambing sa isang dambuhalang arena ang kapitalistang globalisasyon: “malayang” makilahok ang bawat bansa, ngunit hindi pinaghihiwalay ang mga feather weight at heavy-weight, alalaon baga’y isang free-for-all na suntukan, bugbugan at minsa’y patayan ang namamayani.
Case Study ng Kapitalistang Globalisasyon sa Pilipinas: Aliping Masunurin, Luging-lugi pa rin
Pinatutunayan ng karanasan ng Pilipinas ang pag-iral ng ganitong hindi makatwirang labanang free-for-all. Mula sa pagtataguyod ng parity rights, patakarang dekontrol, deregulasyon ng industriya ng langis, pagpapataw ng value-added tax sa mga pangunahing bilihin, kontraktwalisasyon ng mga mangggagawa, pagtatanggal ng taripa (buwis sa mga produktong imported), tuluy-tuloy na pangungutang sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank, pribatisasyon ng mga pangunahing industriya at public utilities (gaya ng tubig at kuryente), higit na pagdurusa at paghihikahos lamang ang idinulot ng kapitalistang globalisasyon sa mayorya ng mga Pilipino.
Sa maagang bahagi pa lamang ng implementasyon ng “malayang kalakalan” sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos mula 1909-1941, kitang-kita na ang disbentahe ng kapitalistang globalisasyon (na walang iba kundi aplikasyon ng “malayang kalakalan” sa buong mundo) sa mga bansa gaya ng Pilipinas na hindi pa industriyalisado. Ayon kay Lichauco (1982: 26-27), “32 taon pagkatapos ng pagsasabatas ng malayang kalakalan noong 1909, wala pa rin tayong kahit anong industriyang naitatayo. Nanatili tayong isang ekonomyang agrikultural na nag-iimport ng halos lahat ng ating kailangang yaring produkto (finished goods)…” Hindi nagtapos sa deklarasyon ng kalayaan ng Pilipinas sa Estados Unidos noong 1946 ang “malayang kalakalan.” Sa pamamagitan ng Bell Trade Act na ipinataw sa taon ding iyon ay nagpatuloy ang pananalasa ng “malayang kalakalan” sa Pilipinas. Sinundan pa ito ng patakarang dekontrol na ayon mismo sa noo’y Pangulong Diosdado Macapagal ay ipinatupad ng kanyang administrasyon alinsunod sa rekomendasyon ng International Monetary Fund (Lichauco, 1982: 36-37). Nagdulot ito ng matinding krisis sa kabuhayan ng mga Pilipino bunsod ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagbaba ng halaga ng mga eksport ng Pilipinas (Villegas, 1982: 51) kaya naman noong 1965 ay natalo sa kampanyang re-eleksyon si Macapagal (Lichauco, 1982: 37).
Tuluy-tuloy na ipinatupad ng mga kontemporaryong rehimen mula kay Marcos hanggang kay Ramos ang patakarang “malayang kalakalan” sa utos ng IMF at World Bank. Rumurok (nag-peak) ang walang habas na pagyakap ng bansa sa kapitalistang globalisasyon sa panahon ni Ramos, nang ipatupad ang malawakang “liberalisasyon” ng import sa pamamagitan ng pagbabawas at pagtatanggal sa mga taripa (buwis sa imported na produkto). Naging isang malawak na duty-free zone ang bansa. Unti-unting nasaid ang koleksyon ng buwis ng pamahalaan kaya naman ipinataw ng administrasyong Ramos ang noo’y 10 porsyento pa lamang na value-added tax upang “bawiin” sa taumbayan, ang kitang itinapon nito sa hangin (foregone revenue), bunsod ng pagtatanggal at pagbabawas ng taripa. Bumaha ng imported na produkto na nagbunsod ng pagsasara ng mga maliliit at midyum na negosyong Pilipino. Kaya naman sa pagsambulat ng Krisis-Pinansyal sa Asya sa mga huling taon ng dekada 90, matinding pagdaralita ang dinanas ng sambayanang Pilipino. Mismong ang noo’y kalihim ng Department of Trade and Industry na si Jose Concepcion ay nagpahayag ng batikos sa mga hakbang ng pamahalaan: “ang patakarang liberalisasyon ng import ang dahilan ng pagkatanggal sa trabaho ng 700,000 manggagawa at pagkamatay ng mga maliliit na lokal na industriya” (Lichauco, 2005: 71). Naglaho ang industriya ng gulong, papel, sapatos at kemikal sa Pilipinas dahil sa liberalisasyon ng import. (Lichauco, 2005: 13) at maging ang mga malalaking negosyo gaya ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI), Caltex at Matsushita Electric Philippines ay naapektuhan (Lichauco 2005: 14-15). Naghayag ng pagkalugi ang HLI dahil sa pagbaha ng imported na asukal. Isinara naman ng Caltex ang refinery sa Batangas dahil natatalo na ito ng kumpetisyong dulot ng mas malalaking refinery sa ibang bansa. Nagsara naman ang pabrika ng colored TV ng Matsushita Electric Philippines dahil sa pagbababa ng taripa sa mga imported na produkto. Binigyang-diin naman ni Dr. Edberto Villegas (2000: 54), propesor sa Unibersidad ng Pilipinas na sa kabila ng pagiging pinakamasunurin ng Pilipinas sa IMF, ang bansa rin ang pinakaapektado ng pagsambulat ng Krisis-Pinansyal sa Asya noong mga huling taon ng dekada 90 batay sa mataas na antas ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas (11%) na higit na mataas sa mga karatig-bansa gaya ng Thailand – 5.5%; Malaysia – 5.3%; South Korea – 6% at Indonesia – 8%.
Pangunahing tagapagmana ni Ramos ang administrasyong Arroyo sa pagpapatupad ng kapitalistang globalisasyon. Ipinagpatuloy nito ang patakarang liberalisasyon sa iba’t ibang industriya gaya ng semento na negatibo pa rin sa pangkalahatan ang epekto. Ayon sa pananaliksik ni Dr. Divina M. Edralin (2003), full professor sa De La Salle University-Manila “(n)agbigay lamang ng oportunidad ang globalisasyon sa mga korporasyon, partikular sa mga transnasyunal na korporasyong gaya ng Cemex, Holcim, at Lafarge na palakihin ang kanilang puhunan, palawakin ang kanilang conglomerates, at unti-unting maisakatuparan ang monopolisasyon ng industriya ng semento sa daigdig.” Nagdulot din ang globalisasyon ng “pagpapaliit ng lakas-paggawa” (downsizing) sa industriya ng semento sa bansa, bagay na nagpahina sa mga unyon at sa kolektibong kakayahan ng mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, at nagpatibay lalo sa kapangyarihan ng mga korporasyon (Edralin, 2003).
Pinasimulan din ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang liberalisasyon ng industriya ng asukal sa pamamagitan ng Executive Order No. 857 na nagbigay-pahintulot sa National Food Authority dahil na mag-angkat ng 150,000 metrikong tonelada ng asukal sa kabila ng mariing pagtutol ng mga lokal na prodyuser ng asukal (Corpuz, 2010). Tinatayang 2,000,000,000 piso ang mawawalang kita sa gobyerno dahil sa walang-taripang (duty-free) importasyon ng asukal. Hindi rin naprotektahan ng administrasyong Arroyo ang industriya ng sapatos at garment sa bansa. Ayon sa pag-aaral ni Dr. Niels Beerepoot (2008) ng University of Amsterdam, nahirapang makipagkumpetensya ang industriya ng sapatos sa Marikina sa pagdagsa ng mga murang produkto mula Tsina at tila naghihingalo na rin ang industriya ng garment sa bansa dahil sa pamamayani ng Cambodia, Tsina at Vietnam sa larangang ito. Ani Beereport, nagdulot ng malawakang pagsasara ng mga pabrika at tanggalan sa trabaho ang ganitong sitwasyon. Nitong Nobyembre 2010 ay ibinalita naman ang pasya ng Department of Labor and Employment (DOLE) na payagan ang outsourcing ng 2,600 trabaho sa Philippine Airlines (PAL). Idinahilan ng pangasiwaan ng PAL ang matinding kumpetisyon na dulot ng “globalisasyon” sa pagpupumilit nito na isagawa ang outsourcing na walang iba kundi pinagandang pangalan sa kontraktwalisasyon ng mga regular na trabahador. Ilan lamang ang mga ito sa masasamang karanasan ng mga Pilipino sa ilalim ng kapitalistang globalisasyon.
Protesta Kontra-Globalisasyon sa First World
Dapat bigyang-diin na ang mga simpleng mamamayan sa buong daigdig ay apektado rin ng kapalpakan ng kapitalistang globalisasyon. Sinasalamin ng mga mataginting na protesta sa Gresya, Espanya, Belgium, Pransya at South Korea noong 2010 ang kabiguan ng kapitalistang globalisasyon sa pagdudulot ng kaunlaran sa mayorya ng mga mamamayan. Malinaw na mailalagay sa konteksto ang mga pandaigdigang dambuhalang protestang kontra-kapitalismo at -globalisasyon kung isasaalang-alang ang isang epekto ng walang rendang globalisasyon sa ekonomya ng daigdig ayon sa Association pour la Taxation des Transactions financières et pour L’Action Citoyenne/ATTAC (Association for the Taxation of the Financial Transactions and for Citizen’s Action): “…80 porsyento ng internasyunal na daloy ng salapi ay nakakonsentra sa halos 20 bansa na kumakatawan lamang sa 22 porsyento ng populasyon ng daigdig” (Fisher at Ponniah, 2003: 41). Maging ang mga mamamayan sa First World ay nagpoprotesta dahil hindi rin sila nakinabang sa bilyun-bilyong dolyar na tubo ng mga dambuhalang kumpanyang transnasyunal. Bunsod nito, inilarawan ng libu-libong kalahok sa World Social Forum na isinagawa sa Porto Alegre, Brazil ang kahungkagan ng kapitalistang globalisasyon sa isang Manipesto ng mga Kilusang Panlipunan: “Lahat ito’y nangyayari sa konteksto ng pandaigdigang resesyon. Sinisira ng neoliberal na modelong ekonomiko ang mga karapatan, pamumuhay at kabuhayan ng mga mamamayan. Gamit ang lahat ng paraan upang protektahan ang halaga ng kanilang mga sapi (shares), nagtatanggal ng mga manggagawa, nagbabawas ng sahod at nagsasara ng mga pabrika ang mga kumpanyang multinasyunal, at pinipiga nila ang kahuli-hulihang sentimo mula sa mga manggagawa. Ang mga pamahalaang humaharap sa ganitong krisis ekonomiko ay tumutugon sa pamamagitan ng pribatisasyon, pagbabawas ng pondo para sa panlipunang serbisyo at permanenteng paglimita sa karapatan ng mga manggagawa. Ang resesyong ito’y naglalantad sa katotohananng ang pangakong paglago at kaunlaran ng neoliberalismo ay isang kasinungalingan” (Fisher at Ponniah, 2003: 348-349).
Tinig Mula sa Ibaba at Labas
Sa gitna ng kabiguan ng kapitalistang globalisasyon na magluwal ng kaunlaran para sa nakararami, nararapat lamang na mag-isip na ng panibagong alternatibo ang mga Pilipino. Sa ganitong diwa, ang pananaliksik na ito ay naglalayong makabuo ng isang alternatibong pambansang adyendang sosyo-ekonomiko para sa bansang Pilipinas – isang tinig mula sa “ibaba,” ang tinig ng mga dukha at tinig mula sa “labas,” ang tinig ng mga non-government organization (NGO) at mga kilusang panlipunan na mula sa at kasama ng mga dukha – silang laging etse-pwera sa pagbabalangkas ng mga kinopyang padrong sosyo-ekonomiko. Isang programang sosyo-ekonomikong nakasulat sa wikang higit na naiintindihan ng bayan ang hangad maisakatuparan ng papel na ito, sa gitna ng daan-daang tomo o volume ng mga artikulo, pananaliksik, papel, sanaysay, ulat, tesis at disertasyon tungkol sa paglutas ng kahirapan ng bansa, na sa kasamaang-palad ay karaniwang nakasulat sa akademikong Ingles.
Mula Kay Charice Pempengco Hanggang sa Mga Tagabalangkas ng Programang Sosyo-ekonomiko: Bansang Unggoy?
Nang ihayag ni Freddie Aguilar na “unggoy” si Charice Pempengco dahil sa panggagaya sa mga banyagang mang-aawit (Nicasio, 2009), maraming Pilipino ang nagalit kay “Ka Freddie.” Hindi matanggap ng mga Pilipino ang katawagang “unggoy” na salamin ng pagiging mangongopya, manggagagad, o ng kulturang pamimirata sa ginagawa ng iba; samakatwid baga’y ang panggagaya sa anumang makitang ginagawa ng mga Amerikanong dinidiyos, na walang ipinag-iba sa isang matapat na alagang unggoy na ginagagad ang bawat kilos ng among trainer (halaw sa Ingles na kasabihang Monkey see, monkey do). Marahil, kung nabasa ng mga Pilipinong nagalit sa tinuran ni “Ka Freddie” ang mabalasik na pangaral (o baka nga propesiya) ni Jose Rizal sa pamamagitan ni Simoun sa ikapitong kabanata ng “El Filibusterismo,” mapag-iisip-isip nilang higit pa sa kultural na “pang-uunggoy” ang ginagawa ng sambayanan at lalo na ng pamahalaang Pilipino.
Ani Simoun: “Kayo’y nagkaisa upang ibigkis ang inang bayan sa Espanya gamit ang mga kwintas na rosas ngunit ang totoo, iginagapos n’yo siya sa pamamagitan ng mga kadenang matibay pa sa diyamante! Humihingi kayo ng pantay na karapatan, ng Hispanisasyon ng inyong mga pag-uugali, at hindi ninyo mapagtantong ang inyong hinihingi ay pagpapatiwakal, ang pagkawasak ng inyong pagkamamamayan, ang pagdurog sa inyong lupang tinubuan, ang pagpapataw ng diktadura! Magiging ano kayo sa hinaharap? Isang bansang walang sariling diwa, bansang walang laya, lahat ng taglay ninyo’y hiram lamang, pati na ang inyong mga depekto! Nagmamakaawa kayong lukuban ng Hispanisasyon at ni hindi man lang kayo nahihiya!” Upang higit na maintindihan ang rekontekstwalisasyon ng sinabi ni Simoun, palitan ng “IMF, WTO at World Bank” ang “Espanya” at palitan naman ng “kapitalistang globalisasyon” ang “Hispanisasyon.” Malibang itakwil ng bansang Pilipinas ang banyagang padrong sosyo-ekonomiko gaya ng kapitalistang globalisasyon na bigo sa pagluluwal ng kaunlaran para sa sambayanan, mananatili ang mga “depekto” ng ekonomya ng bansa, mga depektong hiniram lamang kasama ng buong sistemang sosyo-ekonomiko ng bansa sa kasalukuyan. Sa isang talumpati sa forum na nagkakahalaga ng 25,000 piso ang pagdalo, inamin ni Bill Clinton, dating pangulo ng Estados Unidos, na nakasama ang kolonisasyon ng Amerika at Espanya sa Pilipinas. Nilinaw sa pagsusuri ni Esposo (2010) na “ang kaunlaran ng Pilipinas ay hinahadlangan ng pakikialam ng Estados Unidos sa ating mga usaping pampulitika at pang-ekonomya” hanggang sa kasalukuyan.
Sa ganitong konteksto, dapat burahin ng mga Pilipino sa kanilang kolektibong kamalayan ang maling kaisipan na ang pag-akit sa dayuhang pamumuhuan o foreign investment ang susi sa pag-unlad ng bansa. Higit na praktikal na tigilan na ang pag-asa sa mga dayuhang mamumuhunan dahil sa mga nakaraang taon mas malaki pa ang naiambag na pera ng mga OFWs sa ekonomya ng Pilipinas kaysa sa mga foreign direct investment. Halimbawa, noong 2009, $17,350,000,000 ang naisampang remittance ng mga OFW kumpara sa $1,590,000,000 foreign direct investment. Panahon nang simulan ang proseso ng pagbuo ng bansa at pagtatakwil sa pagsandig sa mga dayuhan, na itinatagubilin ni Dr. Jose Rizal sa kanyang mga isinulat.
Sa kanyang malapropetikong Filipinas Dentro de Cien Años (Ang Pilipinas Isang Siglo Mula Ngayon), hinulaan ni Rizal na sasakupin ng Estados Unidos ang Pilipinas. Sa aklat na ito’y inihayag niyang lalaya ang sambayanang Pilipino sa kamay ng Espanya at “marubdob na ipagtatanggol ang kalayaang nakamit sa pamamagitan ng di kawasang dugo at sakripisyo” laban sa mga bagong mananakop. Sa halip na mga pinunong namamalimos sa statehood ng Pilipinas (ang tahas na pagsakop ng Estados Unidos sa Pilipinas) o kaya’y parity rights para sa mga dayuhan, pinangarap ni Rizal ang sambayanang magluluwal “ng mga taong sisibol sa kanilang lupain...,” “...magsisikhay na lumakad sa maluwang na daan ng kaunlaran...” at “kikilos nang sama-sama upang patibayin ang kanilang lupang tinubuan...” Binigyang-diin ni Rizal ang kahalagahan ng kalayaang ekonomiko bilang pundasyon ng kalayaang pulitikal, samakatwid baga’y ang pagsandig sa sarili (self-reliance) tungo sa kaunlaran sa pamamagitan ng mga industriyang sariling-sikap: “At ang mga minaha’y bubuksan upang iluwal ang ginto para maibsan ang kanilang karukhaan, bakal para sa sandata, tanso, tingga at uling...”
Taliwas sa preskripsyon ni Rizal hinggil sa pagsandig sa sariling lakas at abilidad, nakabibingi ang ingay ng pamamalimos ng mga administrasyon, kasama na ang administrasyong Aquino para sa dayuhang puhunan na inaakalang magsasalba sa bansa. Nakalimutan na nila ang datos na nasa aklat ng Amerikanong mananaliksik na si William Pomeroy (1992) sa bawat isang dolyar na puhunan ng mga dayuhang korporasyon sa Pilipinas, tumutubo sila ng $3.68, at $2 rito ang ipinadadala nila sa kanilang bansa. Ang datos ni Pomeroy ay kinalap noong 1970s, at inaasahang sa pagkakaroon ng higit na episyenteng proseso sa lansakang produksyon o mass production bunsod ng modernong teknolohiya, kakambal ang mababang pasahod sa mga panahong ito, tiyak na lalong malaki ngayon ang tinutubo ng mga dayuhang korporasyon sa Pilipinas, tubo na hindi naman nila inilalagak sa mga negosyo rito, kundi ipinadadala nila sa kani-kanilang bansa. Ayon pa kay Salgado (1997: 132), monopolisado rin ng mga dayuhang korporasyon ang mga pautang ng bangko sapagkat “sa bawat 4 dolyar na dinala sa bansa ng mga dayuhang mamumuhunan, humihiram sila ng 100 dolyar sa mga lokal na bangko.” Higit na nakikinabang kung gayon, ang mga multinasyunal, kaysa sa mga Pilipino, sa kasalukuyang sistema. Malinaw kung gayon, na sa proseso ng pagkamit ng pambansang kaunlaran, hindi dapat umasa sa dayuhang pamumuhunan.
Unang Hakbang sa Sanlibong Milyang Lakbayin: Maghanap ng Puhunan
Sa halip na dayuhang puhunan ay katutubong puhunan ang dapat gamitin ng mga Pilipino sa pagpapaunlad ng bansa. Dapat ihinto ang pagbabayad ng utang panlabas (foreign debt) at bawasan ang pambayad sa lokal na utang (domestic debt) para magkaroon tayo ng pera na magagamit sa implementasyon ng mga repormang sosyo-ekonomiko. Upang maisagawa ito, kailangang ipawalang-bisa ang awtomatikong paglalaan ng badyet para sa utang sa pamamagitan ng pagbabasura sa Section 31 ng Presidential Decree 1177 (isang batas na ipinataw ng diktadurang Marcos), at gayundin sa Section 26, Chapter 4, Book VI ng Executive Order 292 (Administrative Code of 1987) na eksaktong kopya ng Section 31 ng PD 1177. Nakasalalay sa hakbang na ito ang ikapagtatagumpay ng anumang repormang sosyo-ekonomiko: masaklap na katotohanan na walang reporma kung walang pera.
Sa nakalipas na 10 taon (2000-2010), 5,600,000,000,000 piso ang nagastos ng bansa sa pagbabayad ng utang. Ngayong 2010, 746,000,000,000 piso ang nakalaang pambayad-utang sa pambansang badyet (halagang halos sapat na upang tumbasan ang yaman ng 40 pinakamayamang tao sa Pilipinas na nagkakahalaga ng 754,400,000,000 piso ayon sa pagtataya ng Forbes Magazine Asia). Sa 2011, mahigit 823,000,000,000 piso ang nakalaan sa pagbabayad ng utang. Kung tutuusin, napakaraming pabrika na ang maitatayo sa halagang ito pa lamang.
Sa kasamaang-palad, ang utang ng bansa ay nagpapatung-patong habang bayad nang bayad ang pamahalaan. Sa pagtatapos ng administrasyong Estrada, ang utang ng bansa ay nasa 2,170,000,000,000 piso lamang. Sa pagtatapos ng rehimeng Macapagal-Arroyo, ang kabuuang utang ay lumobo na sa mahigit 4,000,000,000,000 piso (Pebrero 2010), at inaasahang aabot muli sa 5,000,000,000,000 sa pagtatapos ng 2010. Dapat tandaan na sa panahon din ni Macapagal-Arroyo ay nagbayad ang Pilipinas ng halagang 5,100,000,000,000 piso! Hindi kataka-takang tinatawag na debt trap ng ilang akademista ang ganitong sistemang ipinataw ng IMF at ng World Bank, kung saan “...tinitiyak ng malayang kalakalan na ang kayamanan ng Third World ay mapupunta sa First World, bagay na nagtutulak sa una na lalo pang mangutang nang mangutang” (Salgado, 1997: 384). Habang nagbabayad ng utang ay lalong lumalaki ang utang sapagkat ginagamit ang mga bagong utang upang bayaran ang mga lumang utang. Hindi ginagamit ang malaking bahagi ng bagong utang upang maglinang ng mga industriyang kumikita at tumutubo nang malaki. Gaya ito ng pagkuha nang pagkuha ng salapi sa bangko at pagkatapos ay pagsusunog sa pera.
Ang tawag ng panahon: ihinto ang pagbabayad ng utang sa 10 taon, gamitin ang pera bilang puhunan sa pagtatayo ng mga industriya at modernisasyon ng agrikultura, at pagpapatupad ng iba pang reporma. Pagkatapos ng 10 taon, kakayanin na ng ekonomya ng bansa na bayaran ang lahat ng utang. Ang paglimita sa at/o pagtigil ng pagbabayad ng utang ay ginawa na ng mga bansang gaya ng Peru, Argentina, Brazil, Mexico, at Romania (Lichauco, 1988: 250-268) kaya naman kahit sa gitna ng pandaigdigang krisis-pinansyal ay higit pa ring maunlad ang kanilang ekonomya kaysa sa ekonomya ng Pilipinas. Ayon sa datos ng 2010 United Nations Human Development Index Report, nakalalamang ang mga bansang ito sa pangkalahatang kaunlaran, batay sa kani-kanilang ranggo: Peru - 63; Argentina - 46; Brazil - 73; Mexico - 56; Romania – 50 (kumpara sa ranggong ika-97 ng Pilipinas). Nilinaw ni Lichauco (1988: 267) ang dahilan ng ganitong “pangungulelat” o kawalan ng kaunlaran ng Pilipinas na kahiya-hiya kung ihahambing sa relatibong pag-unlad ng ibang bansa: “Lahat ng mga umuunlad na bansa ay may mga pasaning utang panlabas, ngunit sa pangkalahatan, ang mga utang na ito’y ginamit upang pondohan ang pagbuo at paglinang ng isang matibay na istrukturang industriyal, gaya ng ginagawa ng Brazil at South Korea. Kakaiba ang Pilipinas sapagkat ang kanyang mga utang nakuha sa pangakong hindi gagamitin sa pagpopondo ng industriyalisasyon ng bansa…” Hanggang sa kasalukuyan ay totoong-totoo ang analisis ni Lichauco: wala pa ni isang proyektong pagtatayo ng industriya ang naipangutang ng gobyerno ng Pilipinas. Kahit sa programang sosyohang publiko-pribado (public-private partnership o PPP, na walang iba kundi pinagandang termino lamang para sa napatunayan nang palpak na programang Built-Operate-Transfer/BOT ng mga nakaraang administrasyon) ng administrasyong Noynoy Aquino ay walang nababanggit na pagtatayo ng industriya.
Pagtatakwil sa Ninakaw na Utang
Upang magkaroon ng karagdagang pondong pangkaunlaran, dapat ding igiit o ipagpilitan ang pagtatakwil o repudiation ng mga utang na ninakaw lamang ng mga pulitiko noon. Ayon sa isang pananaliksik ng African Forum and Network on Debt and Development o AFRODAD (2007), mula 1986 hanggang 2006 ay nagbayad ang mga Pilipino ng US$1,900,000,000 billion, ¥23,000,000,000 at CHF (Swiss Franc) 107,100,000 sa mga nagpondo ng pagtatayo ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Ang nasabing plantang nukleyar na itinayo sa panahon ng diktadurang Marcos ay maanomalya sapagkat over-priced ang halaga, itinayo sa paanan ng Bundok Natib (na isang bulkang dormant) na nasa fault line din, at ni hindi nakalikha ng kahit isang megawatt ng kuryente. Isa lamang ang BNPP sa mga halimbawa ng maanomalyang utang na dapat itakwil at huwag bayaran. Mahalaga sa prosesong ito ang makipag-ugnayan sa iba pang bansang Third World upang maisulong ang pagbura o pagbabasura sa utang ng Third World sa mga bansang First World gaya ng itinataguyod ng internasyunal na network ng mga aktibistang kontra-utang, ang Jubilee South. Maaari ring pumasok sa mga kasunduang debt-for-Millennium Development Goals swap gaya ng isinusulong ni UP Prof. Leonor Briones (dating Pambansang Ingat-Yaman ng Pilipinas), kung saan binubura ang utang ng bansa, kapalit ng paglalaan ng mas malaking pondo sa edukasyon, kalusugan at iba pang mga pangunahing serbisyong panlipunan.
Upang magkaroon ng karagdagang pondo para sa mga hakbang na makapagpapasampa ng pera sa kaban ng bayan o mga income-generating projects na magagamit sa mga repormang sosyo-ekonomiko, dapat ibalik ang taripa o buwis sa imported na produkto na mayroong katumbas o katulad sa Pilipinas gaya ng asukal, sapatos atbp. Malaki ang kitang nawala sa gobyerno bunsod ng mga kasunduan sa “malayang kalakalan” sa ilalim ng kapitalistang globalisasyon. Halimbawa, ayon sa isang ulat ng Philippine Daily Inquirer (October 2010), 15,600,000,000 piso ang mawawalang kita (foregone revenue) ng gobyerno sa taong 2010 dahil sa iba’t ibang kasunduan sa “malayang kalakalan” gaya ng Association of Southeast Asian Nations’ (Asean) Trade in Goods Agreement o ATIGA at Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Ibayong pagkawasak ng mga industriyang Pilipino bunga ng matinding kumpetisyon ang idudulot din ng ganap na pagpapatupad ng China-Asean Free Trade Area (CAFTA) ayon sa pagsusuri ni Rep. Walden Bello (2010), na isa ring kilalang akademista at mananaliksik sa larangan ng pulitika at ekonomiks. Maaga pa rito ay nagbabala na si Dr. Alfredo Robles, Jr. (2007), propesor sa International Studies Department ng De La Salle University-Manila hinggil sa “mga huwad na pangako ng malayang kalakalan sa pagitan ng ASEAN at ng European Union.” Sa tantya ni Robles, ang pagpapatupad ng “malayang kalakalan” sa pagitan ng European Union (na may mas matatag at episyenteng industriya) at ng ASEAN (na karamihan sa mga bansang kasapi ay hindi pa gaanong matatag ang mga industriya) ay tiyak na magdudulot ng paghina ng sektor ng pagmamanupakura sa ASEAN, bagay na maaaring magdulot ng malawakang kawalan ng trabaho kung hindi mapalalawak ang sektor agrikultura at serbisyo (malls, call centers atbp.). Binigyang-diin din ni Robles na kung talagang nais ng bansa na pumasok sa “malayang kalakalan,” kailangan nitong paghandaan ang pagkawala ng malaking kita bunsod ng pag-aalis ng taripa. Sa kaso ng Pilipinas na wala pang gaanong maipagmamalaking industriya, tiyak na ang lubos na pagkawasak ng mga natitira pang nakatayong industriya na tila naghihingalo na, gayundin ang pagkabangkarote o bankruptcy ng pamahalaang baon na sa utang. Samakatwid, ang pagbabasura sa “malayang kalakalan” sa kasalukuyan, sa panahong hindi pa kayang makipagsabayan ng Pilipinas sa matinding kumpetisyon, ay isang makatwiran at matalinong panawagan. Maisasalba nito ang Pilipinas sa lalong pagkabaon sa utang at makapagbibigay ito ng karagdagang pondong magagamit sa pagbubuo at pagpapalakas ng mga industriyang Pilipino.
Bukod sa pagbabalik ng mga taripa sa imported na produkto, maaari ring magpataw o mag-impose ng buwis sa mga produktong luho o luxury goods gaya ng sports utility vehicles, Apple laptops, Rolex watch, diamond jewelry atbp. Makabubuti ring pag-aralan ang pagpapataw o imposition ng buwis sa mga big-time financial transaction, partikular ang paglalabas ng dolyar at/o puhunan/investment sa Pilipinas at pagpapataw ng special tax sa mga pinakamayamang pamilya sa bansa (na kahawig ng mga proposal sa Estados Unidos). Dapat ding seryosohin ang pagbawi sa mga ninakaw na kayamanan ng bayan ng mga nakaraang diktador at pulitiko.
Mula sa Baul ng Kasaysayan: Mga Solusyong Di Pa Nasusubukan
Gamit ang puhunang mula sa pagpapahinto ng pagbabayad ng utang at iba pang nabanggit na iskemang income-generating, maisasakatuparan na ang mga pangunahing reporma na siyang magiging gulugod o backbone ng pag-unlad ng bansa: ang tunay na reporma sa lupa at modernisasyon ng agrikultura, at makabansa at pambansang industriyalisasyon. Ang mga pangunahing repormang ito ay matagal nang panawagan ng anak-dalita sa Pilipinas. Halimbawa, noong 1935, idinaos ang kauna-unahang halalan sa pagkapangulo ng Pilipinas sa ilalim ng Komonwelt. Sina Manuel Luis Quezon, Emilio Aguinaldo at Gregorio Aglipay ang tatlong kandidato sa pagkapangulo. Bagamat natalo si Aglipay nina Quezon at Aguinaldo sa bilang ng boto, dapat maitatak sa kasaysayan ang kandidatura ni Aglipay bilang kauna-unahang pagtatangka ng isang makabayang kandidato na kamtin ang pagkapangulo upang simulan ang pagpapaunlad ng Pilipinas. Ibinandila ni Aglipay ang programang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon (Pomeroy, 1992: 91-93). Sumunod sa kanyang yapak ang isa pang dakilang makabayan na sumubok din sa eleksyong pampanguluhan, walang iba kundi si Senador Claro M. Recto. Bagamat di gaanong kapansin-pansin ay posibleng sina Senador Manuel Villar at Sen. Jamby Madrigal na ang naging tagapagmana ng sinimulan nina Aglipay at Recto batay sa kanilang mga plataporma de gobyerno noong nakaraang halalan na pawang nagbibigay-diin sa reporma sa lupa at industriyalisasyon. Ang mga solusyong kanilang inihapag ay pawang di pa nasusubukan. Pagkatapos ng isandaang taong kapalpakan ng kapitalistang globalisasyon, panahon nang isigaw ng sambayanan: “Ang bayan naman!”
Lupa Para Sa Tagabungkal
Dantaong problema na ang kawalan ng reporma sa lupa, ang matibay na kontrol ng iilang pamilya sa mayorya ng lupa sa Pilipinas, ang sistemang kahawig ng lumang pyudalismo sa Europa noong Edad Media (Middle Ages). Tinatayang 60% ng mga lupang agrikultural sa bansa ay kontrolado ng mga mayayamang pamilya na bumubuo sa 13% lamang ng populasyon ng bansa, at 7 sa 10 magsasaka ang walang sariling lupa (Ibon Foundation, 2008). Ang ganitong konsentrasyon ng lupa sa iilang pamilya ang dahilan ng kawalan ng sapat na pagkain ng bansa at kawalan ng sapat na trabaho para sa mayorya ng mga mamamayan (75% ng mga Pilipino ay magsasaka ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, 2008). Ang pagliit ng share ng agrikultura sa pambansang ekonomya – na bunga ng kawalan ng reporma sa lupa – ay nagresulta rin ng matinding kahirapan at kawalan ng oportunidad para sa maraming taga-probinsya. Ayon sa World Factbook ng Central Intelligence Agency (CIA), 34% ng lakas-paggawa ng bansa ay nasa agrikultura, 15% ang nasa industriya at 51% naman ang nasa serbisyo (call centers, fastfood chains, malls at iba pa). Hindi uunlad ang Pilipinas kung patuloy itong aasa sa sektor ng serbisyo. Ang pagbibigay-prayoridad lamang sa sektor ng agrikultura at industriya ang makapagsasalba sa bansa, gaya ng pinatunayan ng Japan, South Korea, Tsina at iba pang karatig-bansa.
Mula kay Rizal sa “El Filibusterismo” hanggang kina Amado V. Hernandez sa “Mga Ibong Mandaragit” at Rogelio Sicat sa “Tata Selo” ay naging pangunahing paksa ng mga obra maestra sa panitikang Filipino ang magsasakang inagawan ng lupa, ang magsasakang alipin ng asendero, ang magsasakang simbolo ng karukhaan at pagkaalipin ng sambayanang Pilipino. Pagpapatunay ito ng nagnanaknak na suliraning panlipunan na nangangailangan ng agad na kalutasan. Sa aktwal, malaking bahagi ng mga rebeldeng komunista sa ilalim ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ay mga magsasakang naakit sa programa ng nasabing grupo na libreng lupa para sa mga magsasaka na isinasaad sa “12-puntong Programa” ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang sangay-pulitikal ng CPP-NPA. Ayon sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), bukas ito sa pagpirma mga kasunduang nakatuon sa mga repormang sosyo-ekonomiko, kabilang na ang reporma sa lupa, gaya ng isinasaad sa panukala nitong Concise Agreement for an Immediate Just Peace (CAIJP) noong 2005. Kaipala’y magdudulot din ng kapayapaan ang reporma sa lupa.
Dapat isailalim sa reporma sa lupa ang lahat ng mga hacienda sa Pilipinas sa pamamagitan ng libreng pamamahagi o distribusyon ng mga parsela sa mga magsasakang walang sariling lupa. Upang maisabalikat ang episyenteng pagpapatakbo ng mga lupang isinailalim sa reporma, dapat tulungan ang mga magsasaka sa pagtatayo ng mga kooperatiba na papalit sa mga lumang management board ng mga hacienda. Dapat pangasiwaan o iadminister ng pamahalaan ang pagbuo ng mga kooperatiba ng magsasaka sa tulong ng mga organisasyon ng mga magsasaka upang lalong maging produktibo ang pagbubungkal sa lupa. Ang mga kooperatiba ang magpapatibay sa pagkakaisa ng mga magsasaka tungo sa mabilis at mas episyenteng produksyon, na higit pa sa produksyong pinamahalaan ng mga management board na wala namang kongkretong kaalaman at direktang karanasan sa pagsasaka. Wala nang mas huhusay pa sa pamamahala ng mga sakahan kundi ang mga magsasaka mismo. Sa pamamagitan ng mga kooperatiba ay magiging maayos, episyente at mabilis din ang daloy ng tulong-pinansyal ng pamahalaan sa mga magsasaka.
Ayon kay Steve Suppan, Senior Policy Analyst ng Institute for Agriculture and Trade Policy/IATP (2008), “(b)agamat patuloy na nauungusan ng produksyon ng pagkain ang paglago ng populasyon (ayon sa Food and Agriculture Organization), ang paglaganap ng gutom ay resulta rin ng kakulangan ng salaping pambili ng pagkain at/o kawalan ng access, o kontrol sa, mga resource na nakalilikha ng pagkain. Ang access sa mga resource na ito – lupa, tubig, input, pagsasanay, teknolohiyang post-harvest, transportasyon, pautang...atbp. – ay mahalagang bahagi ng pakikibaka para sa kasapatan sa pagkain.” Sa konteksto ng Pilipinas, ang reporma sa lupa ay magtatagumpay lamang kung patitibayin ang mga kooperatibang pansakahan na magtitiyak sa matibay na suporta ng pamahalaan sa sektor agrikultura – mula sa pagtatanim hanggang sa transportasyon ng ani gaya ng binanggit ni Suppan – at magpapatibay rin sa pagtutulungan ng mga magsasaka at iba pang mga katuwang ng sektor agrikultura gaya ng mga mananaliksik.
Kakabit ng kooperatibasisasyon ng mga hacienda sa pamumuno ng mga magsasaka, dapat ding pasimulan ang modernisasyon ng agrikultura sa bansa. Malaki ang papel na gagampanan nito ng mga kooperatiba at/o organisasyon ng mga magsasaka, at mga kolehiyo, unibersidad at mga sentro sa pananaliksik sa bansa, partikular ang mga nangungunang paaralan na maunlad na ang pananaliksik sa larangan ng siyensya at teknolohiya. Ang modernisasyon ng agrikultura ang magtitiyak sa kasapatan sa pagkain ng bansa. Ang kasapatan sa pagkain ay isa ring porma ng pagtitipid sapagkat ang importasyon ng pagkain ay ginugugulan ng dolyar. Sa nakalipas na mga taon ay libu-libong tonelada ng bigas ang inimport ng bansa. Sa halip na mag-import, mas makabubuting gamitin sa modernisasyon ng agrikultura ng bansa ang pondong dating ginagamit sa pag-aangkat ng bigas. Sa pamamagitan ng modernisasyon ng agrikultura ay matitiyak din ang pagkakaroon ng sapat na hilaw na materyales o raw materials para sa mga industriyang itatayo sa bansa. Walang magiging matibay na gulugod o backbone ang pambansang industriyalisasyon kung hindi magiging moderno ang agrikultura sa bansa. Sa kabuuan, ang pagsigla ng agrikultura na dulot ng reporma sa lupa at modernisasyon ng sektor na ito ay magpapalapad sa pamilihan at magreresulta sa pagsigla ng ekonomyang agrikultural na magluluwal na karagdagang kapital para sa pagtatayo ng mga industriya (Ecumenical Institute for Labor Education and Research Inc./EILER, 2010).
Trabaho at Kaunlaran Para sa Lahat
Sa kabilang banda, hindi rin magiging ganap ang kaunlaran ng Pilipinas kung makukuntento na lamang ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng agrikultura. Kailangang isulong ang pambansa (national) at makabansang (nationalist) industriyalisasyon o pagtatayo ng mga industriyang Pilipino na lilikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino at magsusuplay ng mga pangangailangan ng bansa. Napakarami nang tomo o volume ang naisulat ng mga makabayang akademista gaya nina Alejandro Lichauco (“Nationalist Economics”), Renato Constantino (“The Nationalist Alternative”), Lorenzo Tañada, Claro M. Recto, Edberto Villegas hinggil sa pagsasakatuparan ng pambansa at makamasang industriyalisasyon. Naghihintay na lamang ang mga ito ng implementasyon.
Dapat bigyang-prayoridad ang industriya ng pagkain, petrolyo, enerhiya, kemikal, gamot, bakal at mineral, tubig, kuryente, komunikasyon, transportasyon at iba pang mga industriyang malaki ang gampanin sa pagpapaunlad ng bansa at pagsusuplay ng mga pangunahing pangangailangan at serbisyo sa mga mamamayan. Natural lamang na gobyerno ang magtaguyod ng prosesong ito sapagkat ang pribadong sektor o ang sektor ng mga malalaking negosyante ay may makasariling adyenda, samantalang ang gobyerno ay inaasahang magsusulong ng interes ng buong sambayanan. Binigyang-diin ni Lichauco (1988 : 127-129) ang superyoridad ng gobyerno bilang tagapagsulong ng industriyalisasyon: “Ang estado ang pinakamataas na pagpapahayag ng kolektibong personalidad ng sambayanan. Kung gayon, ito ang pinakamatibay na kinatawan ng kapangyarihang soberanya ng mga mamamayan, mula sa kapangyarihang mag-imprenta ng pera, hanggang sa kapangyarihang linangin at patakbuhin ang patrimonya ng basa, at ang kapangyarihang pumasok sa produktibong negosyo…” Ibinigay na halimbawa ni Lichauco ang Unyong Sobyet (dating unyon ng mga republikang pinangungunahan ng Rusya) at Tsina upang patunayan ang lakas ng isang pamahalaan sa pagbuo ng mga industriya nang wala halos tulong mula sa mga pribadong kumpanya, lokal man o dayuhan.
Sa kaso ng Pilipinas, napatunayan nang bigo ang anumang tangkang industriyalisasyon na pinangunahan at pinangibabawan ng mga malalaking negosyante sa pribadong sektor. Samakatwid, kakambal ng pambansa at makabansang industriyalisasyon ang pagbabasura sa palpak na programang pribatisasyon at deregulasyon ng mga pangunahing industriya. Maraming magagandang aral sa pambansang industriyalisasyon at nasyonalisasyon ng mga industriya ang matututuhan ng Pilipinas sa Venezuela, Bolivia at iba pang mga umuunlad na bansa. Sa kaso ng Venezuela, isinailalim sa kontrol ng gobyerno ang mga planta ng langis, kasama na ang planta ng Exxon (isa sa pinakamalaking korporasyong petrolyo). Samantala, isinabansa naman ng pamahalaan ng Bolivia ang mga minahan ng natural gas upang matiyak na makikinabang sa kita nito ang lahat ng mga Boliviano at upang matiyak din ang pagiging makakalikasan ng operasyon nito. Sa Pilipinas, ang pagsasabansa o nasyonalisasyon ng mga umiiral na malalaking industriya ay magluluwal ng malaking puhunan na magagamit para sa pagpapalago ng iba pang industriya at paglalaan ng sapat na pondo para sa edukasyon, kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan. Halimbawa, ang Petron-Philippines ay tumubo ng 1,900,000,000 piso sa unang quarter pa lamang ng 2010; ang Philex Mining (isa sa pinakamalaking korporasyon sa pagmimina sa bansa ay tumubo ng 2,740,000,000 noong 2009; ang MERALCO naman ay tumubo ng 6,000,000,000 pesos noong 2009 at ang SM Prime Holdings (ang opereytor ng mga SM mall) ay tumubo ng 7,000,000,000 noong 2009.
Dapat alalahanin na ang pribadong sektor ay likas na may makasariling adyenda kaya ang pribatisasyon ay tiyak na daan tungo sa kapahamakan gaya ng dinaranas ng bansa ngayon. Ayon nga sa negosyanteng dating CEO ng Benpres (may-ari ng ABS-CBN atbp. negosyo gaya ng Maynilad Water Services Inc.) na si Eugenio Lopez, Jr., “Tubo ang pangunahing dahilan kung bakit nagnenegosyo ang isang tao...” (Kalikasan-Peoples Network for the Environment/Kalikasan-PNE at Water for the People Network/WPN, 2008). Isang malinaw na halimbawa ng kapalpakan ng pribatisasyon sa bansa ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng diesel sa kabila ng pribatisasyon ng Petron at Malampaya natural gas fields, katambal ng deregulasyon ng industriya ng langis. Ayon sa Ibon Foundation, ang presyo ng diesel ngayong 2010 ay mas mataas ng 175% kumpara sa presyo nito siyam na taon na ang nakaraan. Ayon naman sa Kalikasan-PNE at WPN (2008), bigo rin ang pribatisasyon ng tubig dahil mula sa 7.21 piso at 4.02 piso kada metro kubiko ng tubig sa Maynilad at Manila Water noong 1997, lumobo na ang halaga nito sa 32.91 piso at 33.42 piso noong 2008. Sa pagmimina ay bagsak din ang pribatisasyon gaya ng pinatunayan ng mapanirang sistema ng Marcopper at Placer Dome (kontrolado ng mga dayuhang pinautang ng Asian Development Bank) sa Marinduque na nakasira sa pinagkukunan ng kabuhayan ng 20,000 residente dahil sa malawakang pagtagas ng lason mula sa minahan tungo sa katubigan (Ibon Databank, 2008). Sa San Miguel, Bulacan ay napabalita naman ang kagimbal-gimbal na pagkawasak ng mga bundok bunsod ng pagmimina ng limestone ng mga pribadong kumpanya. Hindi lamang pala ang sambayanan ang talo sa pribatisasyon, kundi pati ang inang kalikasan sapagkat tubo lamang ang pangunahing adyenda ng mga pribadong korporasyon. Ang pamumuno lamang ng pamahalaan sa pambansang industriyalisasyon at ang nasyonalisasyon (o pagpapatigil ng pribatisasyon at deregulasyon) ng mga industriya ang makatitiyak na ang mga likas na yaman ng bansa ay magagamit nang maayos para sa kapakanan ng sambayanan nang di gaanong nakasisira sa kalikasan.
Independent Variable: Pamahalaang Tunay na Naglilingkod sa Sambayanan
Gayunman, dapat isaalang-alang na ang pagtatagumpay ng pamahalaan bilang pangunahing pwersa sa pansamantalang pagpapahinto ng pagbabayad ng utang, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, industriyalisasyon at nasyonalisyon ng mga industriya ay nakasalalay sa legal na assumption na ang pamahalaan ay dapat maglingkod sa kapakanan ng nakararami (bagay na malayo pa sa reyalidad kung titingnan ang kasalukuyang dami ng kaso ng katiwalian sa pamahalaan). Kakambal ng panawagang pagbuo at pagpapatupad ng alternatibong adyendang sosyo-ekonomiko sa pamumuno ng gobyerno, ay ang pagtiyak na magiging malinis at matapat ang mga lingkod-bayan sa pamahalaan, gaya ng nararapat. Sa ganitong diwa, ang pagsasagawa ng mga repormang pulitikal gaya ng pagsasabatas ng konstitusyunal na probisyon na nagbabawal sa mga dinastiyang pulitikal at mga batas na magpapatibay pa sa representasyon ng mga grupong marginalized (gaya ng sistemang party-list) ay dapat isagawa. Sa kasamaang-palad, “madugong proseso” ang pagpapatupad ng mga repormang pulitikal sapagkat kontrolado ng mga pinakamayayamang pamilyang asendero at negosyante ang malaking bahagi ng pamahalaan. Batid ng elite na ang demokratisasyon ng pulitika ay nangangahulugan ng pagbubukas ng mga bulwagan ng kapangyarihan sa masa. Sa mas malawak na partisipasyon ng mga ordinaryong manggagawa, magsasaka at iba pang mga anak-dalita sa pulitika, laban sa tradisyunal na paghahari ng mga asendero at negosyante, tiyak na hahantong sa tunggalian ng mga interes ang mga labanan sa sangay lehislatibo, ehekutibo at hudisyal ng pamahalaan. Sa ganitong konteksto, natural lamang na hadlangan ng elite ang ganap na demokratisasyon ng pulitika, bagay na hindi maaaring manatiling permanente. Darating ang panahon na magpapantay ang kapangyarihan ng elite at masa sa sistemang pulitikal ng bansa. Sa panahong iyon, ganap na igigiit ng masa ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang alternatibo sa mga hungkag na pangako ng kapitalistang globalisasyon habang ipaglalaban naman ng elite ang pananatili ng kapitalistang globalisasyon na nagbigay sa kanila ng monopolyo sa kapangyarihang pulitikal at ekonomiko sa bansa sa nakalipas na mahigit isang siglo. Kasangga ng mga elite ang IMF at World Bank at ang mga dambuhalang multinasyunal at transnasyunal na korporasyong tiyak na masasagasaan ng anumang tangkang reporma sa lupa at industriyalisasyon ng bansang Third World. Sa ikauunlad ng Pilipinas, maliwanag kung sino ang dapat manaig. Isang bukod na pananaliksik pa ang kailangan upang sagutin ang tanong na “paano sila makapananaig?”
Bibliyograpiya:
Alave, Kristine. 4M malnourished Filipino children: Rising costs to increase number FNRI. 05 July 2008. Philippine Daily Inquirer.
<http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/nation/view/20080705-146662/4M-malnourished-Filipino-children>
Date of Access: 14 November 2010
Alexandra, Kreisl. “Malnutrition in the Philippines – perhaps a Double Burden?” Journal
für Ernährungsmedizi. 2009. Berlin: Verlagshaus der Ärzte GmbH.
< http://www.kup.at/kup/pdf/8113.pdf >
Date of Access: 14 November 2010
African Forum and Network on Debt and Development (AFRODAD). Illegitimate Debt & Underdevelopment in thePhilippines: A Case Study. 2007. Harare, Zimbabwe: AFRODAD.
Agence France Presse. Desperately poor Filipinos sell kidneys. 18 April 2008.
< http://www.abc.net.au/news/stories/2008/04/18/2221064.htm>
Date of Access: 15 November 2010.
Balana, Cynthia. Health Forum Hot Issue: Kids now used as organ donors. 11 November 2010. Philippine Daily Inquirer.
<http://newsinfo.inquirer.net/inquirerheadlines/nation/view/20101111-302577/Kids-now-used-as-organ-donors>
Date of Access: 15 November 2010
Bauzon, Camille. RP losing war vs. extreme poverty. 17 July 2010. Manila Times.
<http://www.manilatimes.net/index.php/component/content/article/42-rokstories/21730-rplosing-war-vs-extreme-poverty>
Date of Access: 15 November 2010
Beerepoot, Niels. Local Outcomes of Globalization: Manufacturing Decline and Labor Response in the Philippine Garment and Shoe Industries. 2008. Quezon City: Philippine Journal of Labor and Industrial Relations.
Date of Access: 12 November 2010
Bello, Walden. The China-Asean Free Trade Area: Propaganda and Reality. 14 January 2010. Makati City: Philippine Daily Inquirer.
< http://opinion.inquirer.net/viewpoints/columns/view/20100114-
247344/The-China-Asean-Free-Trade-Area-Propaganda-and-Reality>
Date of Access: 12 November 2010
Clinton, Bill. Embracing Our Common Humanity (Address at the Manila Hotel).
10 November 2010.
Congressional Planning and Budget Department-Philippine House of Representatives.
Facts in Figures: May 2006.
< http://www.congress.gov.ph/download/cpbd/fnfofw.pdf>
Date of Access: 14 November 2010
Corpuz, Gerry Albert. Philippine sugar industry in bitter position. 05 February 2010.
Date of Access: 12 November 2010
Cruz, Tonyo. Thanking overseas Filipino workers for saving the economy. 2010.
<http://asiancorrespondent.com/tonyo-cruz-blog/thanking-overseas-filipino-workers-for-saving-the-economy>
Date of Access: 14 November 2010.
Domingo, Ronnel. Oil tariff removal, trade pacts to cost gov’t P15.6B. 18 October 2010. Makati City: Philippine Daily Inquirer.
Date of Access: 12 November 2010
Ecumenical Institute for Labor Education and Research Inc. (EILER). Tunay na Repormang
Agraryo at Makabayang Industriyalisasyon ang Solusyon sa Krisis Pangkabuhayan. 23 October 2010. University of the Philippines-Diliman, Quezon City: EILER Globalization Lecture Series 2.
Edralin, Divina M. Are the Cement Industry and its Workers Victims of Globalization? 2003. Manila: De La Salle University.
Date of Access: 12 Novermber 2010
Esposo, William M. He came, he saw and he made a sales pitch. 14 November 2010. Manila: The Philippine Star.
Etolle, Nestor. Cops raid illegal blood bank. 19 December 2008. The Philippine Star.
<http://www.philstar.com/microsite/noynoy-first-100-days/article.aspx?articleId=425126&publicationSubCategoryId=65>
Date of Access: 14 November 2010
Fisher, William F. and Thomas Ponniah. (eds). Another World Is Possible: Popular Alternatives to Globalization at the World Social Forum. 2003. New York: Zed Books, Ltd. 41; 348-349
Florencio, Cecilia. Food and Nutritional Status of Filipinos and Nutrition
Integration. 2003. Quezon City: UP-Diliman.
< http://www.up.edu.ph/oldsystem/florencio.pdf >
Date of Access: 14 November 2010.
Flour Fortification Initiative. FFI Country Information: Philippines. 2010.
Date of Access: 14 November 2010
Global Call to Action against Poverty (GCAP)-Philippines. Philippine Poverty
and Inequality Situation (as of March 2008).
< http://www.preda.org/main/archives/research/documents/r09073001.html>
Date of Access: 14 November 2010.
Ibon Foundation Inc. Ibon Facts and Figures: Datos sa Isang Sulyap. April-May 2008.
________________. Ibon Facts and Figures (Student Edition): Lessons from Mining Liberalization: Case of Marinduque. September-October 2008.
Ibon Foundation Inc. at Pagbabago! People’s Movement for Change. Voter’s Education Kit on the May 2010 Elections: The People’s Criteria. May 2010.
Jose, Vivencio R. (ed). Mortgaging the Future: The World Bank and IMF in the
Philippines. 1984. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies.
Kalikasan-Peoples Network for the Environment (Kalikasan-PNE) at Water for the People Network (WPN). Water Privatization. 2008.
Kalipunan ng Damayang Mahirap (KADAMAY). Batayang Kurso ng Maralitang Lungsod. 2008.
< http://www.mediafire.com/?wdity0fmhym >
Date of Access: 14 November 2010.
Khor, M. Address to the International Forum on Globalization. 1995. New York.
Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. “Peasants’ Report During the Forum on Economic, Social and Cultural Rights: Violations and Remedies.” Kabuhayan, Karapatan, Katarungan: Reports Presented During the Forum on Economic, Social and Cultural Rights: Violations and Remedies. 2008. Quezon City: IBON Foundation Inc.
Lichauco, Alejandro. “The International Economic Order and the Philippine Experience.” Mortgaging the Future: The World Bank and IMF in the Philippines. Ed. Vivencio R. Jose. 1984. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies. 12-48.
________________. Hunger, Corruption and Betrayal: A Primer on U.S. Neocolonialism and the Philippine Crisis. 2005. Manila: Citizen’s Commitee on the National Crisis. 13-15; 71
________________. Nationalist Economics. 1988. Quezon City: Institute for Rural Industrialization, Inc. 250-268; 127-129
________________. Towards A New Economic Order and The Conquest of Mass Poverty. 1986. Quezon City.
Madeley, John. A People’s World: Alternatives to Economic Globalization. 2003. New York: Zed Books, Ltd. 6-8
Makilan, Aubrey. Once Again, the OFW Saves the Day for RP Economy. 2006.
< http://www.bulatlat.com/news/5-46/5-46-ofw.htm>
Date of Access: 14 November 2010
Moore, Michael. (director). Capitalism: A Love Story. 2009. USA: Overture Films.
Nam, Suzanne. The Philippines' Wealthiest. 07 July 2010. Forbes Asia.
< http://www.forbes.com/2010/07/06/philippines-richest-henry-sy-wealth-philippines-rich-10.html>
Date of Access: 14 November 2010.
National Democratic Front of the Philippines. 12-Point Program of the National Democratic Front of the Philippines.
Date of Access: 15 November 2010.
_______________ . NDFP proposes concise agreement to end civil war and achieve just peace immediately.
<http://ndfp.net/joomla/index.php?option=com_content&task=view&id=351&Itemid=53>
Date of Access: 15 November 2010.
Nicasio, Nonie. Freddie Aguilar says Charice Pempengco and Arnel Pineda proved that Pinoys are monkeys. 06 July 2009.
Date of Access: 12 November 2010.
Pomeroy, William. The Philippines: colonialism, collaboration, and resistance. 1992. USA: International Publishers Co., Inc. 91-93
Rizal, Jose. Political and Historical Writings. 1976. Manila: National Historical Institute,
_________. El Filibusterismo. Leon Ma. Guerrero (trans.). 1965. London: Longman Group Ltd.
Robles, Alfredo Jr. The False Promises of an ASEAN-EU FTA. 2007.
Date of Access: 12 November 2010.
Salgado, Pedro. Second Edition: Social Encyclicals: Commentary and Critique. 1997. Manila: Lucky Press, Inc. 132; 384-385
Scholte, Jan Aart. Globalization: A Critical Introduction (Second Edition). 2005. New York: Palgrave Macmillan.
Sunstar Newspaper. Unemployed Filipinos stand at 2.8M. 17 March 2010.
< http://www.sunstar.com.ph/network/unemployed-filipinos-stand-28m>
Date of Access: 14 November 2010.
Suppan, Steve. “Challenges for Food Sovereignty” The Fletcher Forum of World Affairs. Vol. 32:1 Winter 2008. USA: Tufts University. 111-123
Torregoza, Hannah. National budget called impractical. 07 September 2010. Manila
Bulletin.
<http://mb.com.ph/articles/276015/70-filipinos-live-p42-a-day-budget>
Date of Access: 14 November 2010
United Nations Development Program. Human Development Report 2010 - 20th Anniversary Edition The Real Wealth of Nations: Pathways to Human Development. November 2010.
Date of Access: 15 November 2010.
Villegas, Edberto. “Debt Peonage and the New Society.” Mortgaging the Future: The World Bank and IMF in the Philippines. Ed. Vivencio R. Jose. 2006. Quezon City: Foundation for Nationalist Studies. 49-74.
_______________. Global Finance Capital and the Philippine Financial System. 2000. Manila: Institute of Political Economy. 54
Yrasuegui, Magnolia at Priya Esselborn. Philippines: Women struggling to achieve
sexual equality. 12 January 2009.
< http://www.dw-world.de/dw/article/0,,4465029,00.html >
Date of Access: 14 November 2010.
Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
ReplyDeletemayocareclinic@gmail.com
Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.